Mayor at vice mayor na naglagay ng mukha at pangalan nila sa proyektong bayan, sinuspindi

Sinuspinde ng Office of the Ombudsman ang alkalde at bise alkalde ng Asingan, Pangasinan dahil sa paglalagay umano ng kanilang pangalan at mukha sa mga proyekto at gamit ng gobyerno.

Sa ulat ni Alfie Tulagan sa GMA News TV “Balita Pilipinas” nitong Biyernes, sinabing pinatawan ng Ombudsman ng isang taong suspensyon sina Asingan mayor Heidee Chua at vice-mayor Carlos Lopez Jr.

Ang suspensiyon sa dalawa ay bunga ng paglabag umano nila sa Memoramdum Circular ng Department of Interior and Local Government na nagbabawal sa mga government officials na maglagay ng kanilang pangalan o mukha sa mga proyekto, programa o ari-arian ng gobyerno.

Base sa inilabas na desisyon, kinatigan ng Ombudsman ang reklamo na inihain ni Konsehal Evangeline Dorao laban sa kanilang alkalde at bise alkalde.

Sa reklamo ni Dorao, sinabing inilagay umano nina Chua at Lopez ang kanilang pangalan at mukha sa mga bagong biling ambulansya ng bayan. Gayundin sa iba pang government projects at properties kabilang na ang mga ipinamahaging bag sa mga pampublikong paaralan.

Sa sesyon ng Sangguniang Bayan, inilahad ni Dorao ang natanggap niyang sulat mula sa Ombudsman na nagsasaad sa pagkakasuspindi sa kanilang alkalde at bise alkalde.

Nais malaman ni Dorao sa konseho kung sino ang pansamantalang hahalili bilang presiding officer ng kanilang sesyon dahil sa pagkakasuspindi rin ng kanilang bise alkalde.

Tatalakayin umano ito ng konseho sa hihintayin na nila ang impormasyon na magmumula sa DILG tungkol sa naturang pagpapatupad ng suspension order.

Sinabi naman ng tanggapan ng DILG na wala pa silang natatanggap na suspension order mula sa Ombudsman. Sakaling maipatupad ang suspensyon, ipatutupad ang nakasaad sa Local Government Code na ang magsisilbing acting mayor ang first ranking councilor ng bayan.

Nakatakdang magbigay umano ng pahayag tungkol sa usapin si Chua sa Lunes.