PANOORIN: Babae, pinagsusuntok ng katrabahong lalaki sa Davao City

Nagtamo ng putok sa labi, mga pasa at sugat sa leeg at tenga ang isang babae matapos siya pagsusuntukin ng drayber ng kaniyang amo sa Davao City.

Nitong Martes, kinilala ang biktima na si Jessa Mae Cañete. Habang dinakip naman ang suspek na si Alyas Ryan Ma.

Sa kuha ng CCTV camera sa loob ng isang oil company sa Panacan, Davao City, makikita ang biktima na nakaupo habang nagtatrabaho habang nakatayo naman ang suspek na tila nagkakaroon ng mainit na pagtatalo.

Maya-maya lang, tinapik ng lalaki ang noo ng babae at tumayo para umalma. Dito naman nagsimulang magpaulan ang suntok ang suspek sa biktima kahit pa natumba na.

Ayon sa biktima, matagal na umano siyang pinag-iinitan ng suspek na hinihinala niyang dulot ng inggit.

“Siguro naiinggit siya kasi pinapasok  ko sa trabaho ang kuya ko. Ano ba ang mali ko dun, sir na tinulungan ko lang yung kuya ko na magkatrabaho,” saad ng biktima.

Bukod sa suspek, dinakip din ang kapatid ng biktima dahil aksidente niyang nasuntok ang asawa ng suspek nang sugurin niya ito para iganti ang biktima.

Umaasa ang babae na mabibigyan ng hustisya ang ginawa sa kaniya ng suspek, na tumangging magbigay ng pahayag.