WATCH: Babaeng gumamit umano ng liquid ecstasy, mistulang sinapian ang ‘tama’

Ipinakita ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang masamang epekto ng liquid ecstasy sa isang babae na gumamit umano nito na mistulang nawawala sa sarili. Ang video, nakuha raw sa nadakip na suspek na nagbebenta ng iligal na droga sa mga bar at club.

Makikita sa video ang dalawang babae. Ang isang babae, tila walang malay habang ang isa pa ay pagulong-gulong at sumisigaw na hindi maintindihan ang sinasabi.

Ayon sa PDEA Director General Aaron Aquino, epekto umano ito nang ginamit na liquid ecstasy na talamak daw ngayon na ibinibenta sa mga club at bar.

“Ito po yung effects ng liquid ecstasy. Ito po yung parang nagkakaroon ng seizure, agitation, jerking muscle movements, paranoia and bizarre behavior,” ayon sa opsiyal.

Nakuha umano ng PDEA ang naturang video sa nadakip na umanoy tulak na si Lester Almalbez, 35-anyos. Kasama niyang nadakip si Harold Peñaflor.

Naaresto si Almalbez sa isinagawang buy-bust operation sa tinutulayan niyang condo unit sa Mandaluyong nitong Huwebes ng gabi.

Nakuha umano sa mga suspek ang nasa P666,000 na halaga ng mga hinihinalang droga. Kabilang dito ang anim na packs ng cocaine, 70 tableta ng ecstasy, at halos dalawang litro ng liquid ecstasy na nakalagay sa mga bote ng energy drink.

Ayon sa PDEA, posibleng talamak na binebenta na sa merkado ang bagong variety ng ecstasy na hinahalo sa cocaine.

Maging ang mga liquid ecstasy ay hinahaluan na rin daw ng cocaine at viagra para mas malakas ang tama.

Lumitaw daw sa imbestigasyon ng PDEA na ang “source” umano ng mga naturang droga ay isang big-time drug lord na nasa loob ng New Bilibid Prison.

Kakasuhan ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act at Sale and Possession of Dangerous Drugs ang dalawang suspek na tumangging magbigay ng pahayag.

Samantala, naaresto naman sa buy-bust operation sa Quezon City ang mga tulak umano ng droga na sina Joban Cariñyo at Merhan Jahiro.

Nakuha umano sa mga suspek ang P10,000 halaga ng pinaniniwalaang marijuana, 21 tableta ng pinaniniwalaang ecstasy at dalawang sachet ng umano’y cocaine.