WATCH: Barangay at SK elections, tuloy ngayong Mayo 2018

Matatandaang dalawang beses hindi natuloy ang barangay elections mula nang maupo sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa joint press conference ng Commission on Elections (Comelec) at Department of the Interior and Local Government (DILG) nitong Martes, sinabi ni DILG Undersecretary Martin Diño na magaganap ang barangay at SK elections sa Mayo 14.

Isang barangay kapitan at 7 kagawad habang isang SK chairperson at 7 kagawad ang kailangang iboto.

Ang filing ng certificate of candidacy ay nakatakda sa Abril 14-20 habang ang election period naman ay magsisimula sa Abril 14 hanggang Mayo 21.

Samantala, ang campaign period ay magaganap sa Mayo 4-12.

Inilunsad din ng DILG ang “Matino, Mahusay, at Maasahan” information drive para ipalaganap sa mga botante na huwag nang iboto ang mga opisyal na adik, nagbibigay-proteksiyon sa drug lord, mga kataka-takang nakapagpapatayo ng magarang bahay habang nasa puwesto, at iba pa.

Inihayag naman ni Comelec spokesperson James Jimenez na hindi dapat magtaka kung ang petsang nakaimprenta sa balota ay Oktubre 2017 dahil ito ang mga unang balota na naimprenta na at hindi na ipinaulit.