WATCH: Nahuling pasaway na mga motorista sa Texas, ‘di na pinagmulta, niregaluhan pa

Sa halip na malasin, sinuwerte ang mga nahuling lumabag sa batas trapiko sa Laredo, Texas sa Amerika dahil sa inihandang sorpresa ng mga awtoridad.

Sa halip kasi na tiketan at pagmultahin sa kanilang traffic violation, binigyan lang ng warning ang mga motoristang nadakip ng mga tauhan ng Laredo Police Department.

Ang kasiyahan ng mga motorista na hindi sila tinekitan, nadagdagan pa nang malaman na bibigyan din sila ng pabo o turkey para panghanda ng kanilang  pamilya.

Hindi tuloy mapigilan ng ilang nadakip at nabigyan ng pabo na maiyak sa tuwa, at labis ang kanilang pasasalamat sa mga pulis.

Kasama umano ng Laredo Police Department sa naturang proyekto ang non-governmental organization.

Umabot sa 25 pabo ang naipamahagi ng mga pulis sa mga masuwerteng pasaway na motorista.